Patay ang isang mangingisda matapos umanong saksakin ng kapwa mangingisda sa Saraza Beach, Sitio Paratungon Barangay Pangobilian, Brooke’s Point, Palawan, nito lamang ika-2 ng Marso 2025.
Kinilala ang biktima na si Michael Zambales Vigonte, 37-anyos, habang nakilala ang nakatakas na suspek na si alyas “Bubot”.
Nabatid na unang nakikipag-inuman ang suspek sa kanyang pamangkin nang dumating ang biktima at nakipag inuman na rin. Dahil sa dala ng kalasingan ay nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang biktima at suspek na nauwi sa suntukan. Nang papauwi na ang biktima ay sinundan ito ng suspek at dito na umano ito nasaksak.
Pagtapos naman ng insidente ay sinabi ng suspek ang nangyari sa kanyang pamangkin at tumakas. Kinabukasan ay nakita na lamang ang biktima sa tabing dagat at sinubukan pa itong dalhin sa Southern Palawan Provincial Hospital ngunit ideneklarang dead on arrival ng sumuring attending physicians.
Nabatid na nagtamo ng isang saksak sa tiyan ang biktima habang nagsasagawa na ng manhunt operation ang Brooke’s Point MPS para sa pagkakadakip sa suspek.
Source : XFM Palawan
Panulat ni: Patrolwoman Ana Rose D Guadaña