Pormal nang ipinagkaloob ng mga opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang bagong gawang Ginger Candy Processing Center sa mga miyembro ng kooperatiba ng magsasaka sa Barangay Maranlig, Torrijos, Marinduque nito lamang ika-3 ng Oktubre 2024.
Pinangunahan ni Engr. Virgilio Laggui, OIC-Provincial Agrarian Reform Program Officer ng DAR-Marinduque, ang pagpapasinaya at pagkakaloob ng naturang establisyemento sa mga bumubuo ng Maranlig CARP Beneficiaries Agricultural Cooperative (MACABACO)
Ang naturang proyekto ay nabuo at pinondohan sa ilalim ng Village Level Farm-Focused Enterprise Development (VLFED) ng ahensya na may layuning mapabuti ang kabuhayan ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Layunin nito na makagawa ng mga produkto mula sa sariling ani ng mga magsasaka para may dagdag na kita habang patuloy na nagbibigay ang kagawaran ng pagsasanay, karagdagang imprastraktura at kaalaman sa pagpapayabong ng negosyo ng mga benepisyaryo.
Sa pamamagitan ng paglilipat ng pamamahala ng pagawaan ng ginger candy sa MACABACO ay mas lalo pang mapapalakas at mapapa-unlad ang lokal na agrikultura lalo’t higit ang buhay ng mga magsasaka sa kanayunan.
Source: PIA Marinduque