Pinasiyaan ang pinakaunang Tourist Rest Area (TRA) sa Bicol sa pangunguna ni Department of Tourism Secretary Christina Frasco sa Tabaco City nito lamang Miyerkules, Hulyo 31, 2024.
Itatayo ang TRA sa loob ng Hiraya Manawari sa San Vicente, Tabaco City. Ito na ang magiging ika-11 na TRA sa buong bansa.
Matatagpuan sa loob ng TRA ang mga basic facilities gaya ng charging facility, pasalubong center, breastfeeding area, shower area at may wi-fi din. Libre ang paggamit ng mga facilities na ito para sa mga turista.

Ayon kay Frasco, napakapositibo raw ang pagtanggap sa nauna nang sampung (10) TRAs na naipatayo sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Aabutin ng limang buwan ang konstruksyon ng TRA na may pondong Php10 milyon at manggagaling ito sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA). Oras na matapos ito, ang lokal na pamahalaan ng Tabaco ang mamamahala sa operasyon nito.
Labis naman ang pasasalamat ni Tabaco City Mayor Krisel Lagman na napili ang Tabaco, partikular ang Hiraya Manawari Park, upang pagtayuan ng TRA.
Ang Hiraya Manawari Park ay dating ginagamit ng lungsod bilang material recovery facility (MRF) kung saan pinaghihiwalay ang mga basura ng lungsod bago dalhin sa sanitary landfill. Taong 2021 sa panahon ng pandemya nang gawin itong parke gamit ang mga upcycled materials.
Source: BicoldotPH