Matagumpay na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang financial assistance sa bagong tatag na KOOP-BATA sa bayan ng Brooke’s Point noong Hulyo 30, 2024.

Ang paglulunsad ng programa ay isinagawa sa Brooke’s Point National High School sa Sitio Paratungon, Barangay Pangobilian, kung saan personal na dumalo at nagbigay ng mensahe si Gobernador V. Dennis M. Socrates.

“Sana maging daan nga ang KOOP-BATA upang dumami at maging mahusay na mga entrepreneur ang karamihan ng kabataang Palaweño para lalong guminhawa ang ating ekonomiya, ang ating sambayanan,” ani Gob. Socrates sa kanyang talumpati.

Nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang ahensya tulad ng Cooperative Development Authority (CDA) Palawan, Department of Education Palawan, at Brooke’s Point Local Government Unit.

Ang bawat ahensya ay may mga kinatawang dumalo sa aktibidad, kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point.

Matapos ang paggawad ng ceremonial check ng financial assistance para sa KOOP-BATA, nangako ang Brooke’s Point Government Employees Multipurpose Cooperative na magiging tapat sa kanilang tungkuling gabayan ang KOOP-BATA Brooke’s Point bilang kanilang Guardian Cooperative.

Nagpaabot ng pasasalamat ang mga estudyanteng miyembro ng KOOP-BATA mula sa Brooke’s Point NHS sa tulong pinansiyal na ibinigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. Ang nasabing pondo ay gagamitin nila bilang kapital para sa mga negosyong tulad ng Piso Wifi, Printing Services, at pagbebenta ng school supplies.

Ang programa ay inaasahang magpapalakas sa entrepreneurship at magbibigay ng karagdagang oportunidad sa kabataang Palaweño.

Source: PIO Palawan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *