Inanunsyo ni Department of Tourism – Bicol Regional Director Herbie Aguas na nakatakdang buksan ang tatlong Tourist Rest Areas (TRAs) sa mga lugar sa Bicol na madalas pinapasyalan ng maraming tao.

Sa isinagawang Kapihan sa Bagong Pilipinas, inihayag ni RD Aguas na mayroong 22 TRAs sa buong bansa ang nakatakdang itayo bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Aniya, tatlo dito ang itatayo sa Bicol Region, sa lungsod ng Tabaco, Albay, Lagonoy, Camarines Sur at sa San Jose-partido, Camarines Sur.

Ayon kay RD Aguas, nakatakdang isagawa ang groundbreaking para sa pagtatayo ng Tourist Rest Area ngayong buwan sa lungsod ng Tabaco, Albay. Habang sa susunod na buwan naman isasagawa ang groundbreaking sa Lagonoy, Camarines Sur at sa San Jose-partido, Camarines Sur.

Dagdag niya, ang pondong gagamitin sa pagpapatayo nito ay mula sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) katuwang ang mga lokal na pamahalaan. Gayunpaman, titiyakin ni RD Aguas na mabubuksan ang mga TRAs sa Bicol bago matapos ang taon.

Hinihikayat ni RD Aguas ang mga lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa kanilang ahensya sa pag-avail ng Tourist Rest Area at iba pang proseso para dito.

Una ng inihayag ni Pangulong Marcos Jr. na malaki ang magiging ambag ng naturang proyekto sa pagpapalakas ng turismo ng bansa.

Ang Tourist Rest Area ay lugar na maaaring bisitahin ng mga turista sa pagpapahinga. Mayroon itong libreng charging station, Wi-Fi station, lounge area, restrooms at shower, lactation room para sa breastfeeding mothers, information center at pasalubong center na pinapatakbo ng local micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Source: Radyo Pilipinas Albay

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *