Umabot sa may kabuuang Php162 milyong halaga ng tulong pinansyal ang ipinaabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr noong Biyernes sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño phenomenon sa Rehiyon ng Bicol kasama ang iba pang iba’t ibang tulong at serbisyo ng gobyerno.

Iniabot ni Pangulong Marcos ang Php10.28 milyon na cash assistance kay Camarines Norte Governor Ricarte Padilla at Php50 milyon kay Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte sa pamamahagi ng mga titulo ng lupa, support services at financial assistance sa Pili, Camarines Sur.
Namahagi din si Pangulong Marcos Jr. ng mahigit Php41.55 milyon na tulong pinansyal kay Albay Governor Edcel Grex Lagman; Php10.23 milyon naman kay Catanduanes Governor Joseph Cua; Php36.79 milyon kay Masbate Governor Antonio Kho; at Php13 milyon kay Sorsogon Governor Jose Edwin Hamor sa Legazpi City, Albay.

Humigit-kumulang Php26.25 milyong halaga ng tulong ang naibigay sa mga apektadong pamilya sa Bicol habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagpreposisyon ng halos 40,000 family food packs na nagkakahalaga ng Php27.22 milyon kasama ang Php223.24 milyong halaga ng standby funds at stockpile.
Pinangunahan din ni Pangulong Marcos Jr. ang pamamahagi ng kabuuang 2,115 certificates of land ownership award (CLOAs) at electronic titles (e-titles) sa 1,965 agrarian reform beneficiaries (ARBs), gayundin sa Bicol.

Namahagi din ang Pangulo ng 617 farm machineries and equipment (FMEs) na nagkakahalaga ng Php20.66 milyon sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) habang walong natapos na farm-to-market road (FMR) projects na nagkakahalaga ng Php193 milyon naman ang nai-turn over sa iba’t ibang local government units sa Camarines Sur.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng tulong sa Albay, tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. sa mga magsasaka, mangingisda, at kanilang pamilya na naapektuhan ng El Niño na ibibigay ng gobyerno ang lahat ng kinakailangang tulong kahit na sa mga nasa malalayong lugar.