Umarangkada ang pamamahagi ng social pension para sa mga Senior Citizens sa labing-isang isla/barangays sa bayan ng San Jose nito lamang Mayo 21, 2024.

Pinangasiwaan ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Office, sa pangunguna ni Mr. Christopher B. Gomez, Focal Person on Senior Citizens Welfare Program ang nasabing payout.

Katuwang ng MSWD sa nasabing aktibidad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Office, Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), at Municipal Treasurer’s Office. Layon ng programa na makapagbigay ng tulong pinansyal para sa mga indigent senior citizens.

Masayang tinanggap ng 803 benepisyaryo ang kanilang social pension na nagkakahalaga ng Php6,000.00 para sa unang semestre ng taong 2024 (Enero – Hunyo 2024), mula sa dating Php3000.00 noong nakaraang taon.

Lubos ang pasasalamat na ipinaabot ng mga benepisyaryo sa lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Rey Cajayon Ladaga. Pinuri nila ang mabilis na pamamahagi ng kanilang pensyon na malaking tulong upang matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.

Sa kabuuan, ang bayan ng San Jose ay may nakatalang 7,426 benepisyaryo ng social pension. Ang programang ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagsuporta at pagpapabuti ng kalagayan ng mga nakatatanda sa komunidad.

Source: LGU San Jose, Occidental Mindoro – Municipal Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *