Nagsagawa ng isang seminar ukol sa labor education na inorganisa ng Public Employment Service Office (PESO) at Department of Labor and Employment (DOLE) nito lamang Mayo 20, 2024.

Nilahukan ng 50) na mag-aaral na nagtapos mula sa kursong Computer Service System NC II at SMAW NC I ng SMJ Training and Assessment Center Inc. ang naturang seminar.

Inilahad ni Rolando R. Ladao III, PESO Manager, ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng PESO sa mga kalahok. Samantala, ibinahagi naman ni Mr. Gener Francisco, isang DOLE Senior Labor and Employment Officer, ang mga karapatan at benepisyo ng mga manggagawa pati na rin ang iba pang mahahalagang gawi sa paggawa.

Nagtapos ang programa sa isang open forum na nagbigay daan sa mga dumalo na magtanong at humingi ng paglilinaw bago sila tuluyang sumabak sa pagtatrabaho sa Laguna at Semirara.

Ipinaabot ni Mr. Edward E. Bagatsolon, School Administrator ng SMJ Training and Assessment Center Inc., ang kanyang pasasalamat sa lokal na pamahalaan ng San Jose sa pangunguna ni Mayor Rey Cajayon Ladaga, PESO San Jose, at DOLE para sa matagumpay na pagtatapos ng programa.

Layunin nito na ipabatid ang mga serbisyo ng PESO, ipaliwanag ang mga karapatan at benepisyo ng mga manggagawa, ihanda ang mga mag-aaral sa kanilang pagpasok sa trabaho, palakasin ang kanilang kumpiyansa, at ipakita ang suporta ng LGU at DOLE sa kanilang pag-unlad.

Source: LGU San Jose, Occidental Mindoro – Municipal Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *