Ikinabahala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang kawalan ng mapagkukunan ng malinis na tubig ng mga residente sa isla ng Zapatos sa bayan ng Balud, Masbate.
Binubuo ng higit 200 pamilya ang naninirahan sa nasabing isla. Walang kuryente, wala ring kalsada at ospital sa lugar. Umaasa lamang ang mga residente sa tubig ulan at dumarayo ng kabilang isla para sa inaasam na malinis na tubig.
Ayon kay DSWD Bicol Director Norman Laurio, apektado ng nararanasang dry spell ang isla ng masbate dahil mahigit limang buwan na itong hindi nakakaranas ng pag-ulan. Wala ring tumutubong puno sa isla dahil sa topograpiya nito.
Upang masolusyunan ang nasabing isyu, pinag-iisipan ng DSWD Bicol ang pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI – CIDSS) na tutuldok sa kawalan ng seguridad sa tubig sa isla ng Zapatos.
Pinaplano ng ahensya ang paglalagay ng supply ng tubig sa pamamagitan ng proseso ng desalination na nagkakahalaga ng mahigit Php6.5 milyon.
Ang desalination process ay ang conversion ng sea water sa fresh water at ang main component nito ay ang desalination system na may membrane filter o pang-sala kung saan maiiwan ang lahat ng alat at ang ilalabas lamang ay freshwater.
Source: Radyo Pilipinas Albay