Kasado na ang mga inihandang aktibidad ni Ako Bicol Partylist Chairman Rep. Elizaldy Co at ng Department of Tourism (DOT) Bicol para sa kauna-unahang Bicol Loco Festival sa Legazpi City, Albay ngayong Mayo 3-5, 2024.

Tampok rito ang naglalakihang hot air balloons, skydiving, drone exhibitions at kaliwa’t kanang musical performances mula sa mga tanyag na OPM icons.

Inaasahang may 12 hot air balloons ang nakatakdang makilahok sa nasabing aktibidad kung saan masisilayan ang ganda ng Bulkang Mayon at Albay gulf.

Maagang isasagawa sa ganap na alas-6 ng umaga ng Mayo 3 ang skydiving Philippine Flag jump bilang simbolo ng pagsisimula sa nasabing selebrasyon. Agad itong susundan ng hot air balloon fly out event, skydiving, aerobatic show, paramotor show at drone racing.

Inaasahang dadagsain naman ang Old Airport, Legazpi City dahil sa pagtatanghal ng popstar royalty na si Sarah Geronimo, rock icon na si Bamboo, Ely Buendia ng Eraserheads at Jericho Rosales. Ayon kay Rep. Co, libre aniya ang nasabing concert sa lahat ng nais manood.

Layunin ng nasabing selebrasyon na iangat ang turismo ng lalawigan at maipakita ang potensyal nito para sa mga bagong tourism product na maaaring magpausbong at magpaunlad ng ekonomiya ng rehiyong Bicol.

Source: Radyo Pilipinas Albay

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *