Napuno ang Plaza Libertad sa Iloilo City nang dumalaw si Atty. Benjamin Abalos Jr., Secretary of the Interior and Local Government (SILG), upang makiisa sa “2024 BIDA Rise and Run” nito lamang ika-20 ng Abril 2024.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag niya ang kanyang inspirational na mensahe sa mga Ilonggo hinggil sa programa ng BIDA.

Kasama sa malaking pagtitipon ang mga tauhan ng DILG Offices, Sangguniang Kabataan (SK) at mga kabataan, estudyante, opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Iloilo at mula sa mga barangay, sektor ng relihiyon, at mga tauhan ng kapayapaan at seguridad.
Ipinakita naman ng UI PHINMA TACTICS Org. ang galing ng kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng Martial Arts Demo, kasunod naman nito ay pinangunahan ng mga facilitator ng programa ang Zumba Exercises bilang Warm-up.
Nagsimula ang 5Km BIDA Rise and Run bandang alas-singko ng umaga, kung saan aabot sa tinatayang 8,000 katao ang lumahok sa naturang aktibidad.

Naging matagumpay ang “2024 BIDA Rise and Run” dahil sa aktibong pagtutulungan ng Iloilo City LGU, DILG, at nang ICPO.
Kasunod na idinaos ay ang “Usapang Barangay” sa Penthouse ng Iloilo City Hall, kasama sa mga dumalo ay ang mga Opisyal ng DILG Offices, mga barangay Officials, SK, mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Iloilo, sektor ng relihiyon, at Uniformed Personnel.
Pinangunahan din ito ni SILG Abalos Jr., na patuloy na nagbibigay ng inspirasyon at suporta para sa kapakanan ng mga Ilonggo na ayawan at labanan ang droga para sa pag-unlad ng komunidad.
Isa sa pinakaimportanteng tinalakay sa “Usapang Barangay” ay ang paglulunsad ng Revitalized-Pulis sa Barangay – BIDA (RPSB-BIDA), kung saan binigyang liwanag ni PBGen Arnem Amor Libed, Deputy Director ng Police Community Relations ang mga magagandang epekto ng programang ito at pagsugpo ng ilegal na droga na uumpisahan sa mga barangay.
Sa kabuuan, ang mga programang ito ng DILG, Iloilo City at ng PNP ay isang matagumpay na adbokasiya ng pagtitipon na nagbubuklod ng iba’t ibang sektor ng komunidad upang magpalaganap ng kamalayan hinggil sa masasamang epekto ng ilegal na droga.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito ipinapakita ng pamahalaan ang kanilang dedikasyon sa pagtataguyod ng isang bagong pilipinas na may komunidad na malaya sa droga.
SOURCE: PCADG Western Visayas
Panulat ni Justine