CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Mahigit 2,000 magsasaka at 700 mangingisda ang tumanggap ng cash assistance sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks Program (PAFFP) na ipinatutupad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ngayong Martes, Abril 28, sa Kalap Gymnasium.

Pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pamamahagi ng tulong pinansyal, na layong maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Ang Calapan City ang kauna-unahang lungsod sa rehiyong MIMAROPA na napagkalooban ng naturang programa, na bahagi ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang suportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa gitna ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya.

Ayon sa mga benepisyaryo, malaking ginhawa ang natanggap na ayuda, lalo na sa kasalukuyang sitwasyon kung saan tumataas ang gastusin sa produksyon at operasyon dulot ng epekto ng sigalot sa Middle East.

Patuloy namang tiniyak ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong at suporta sa sektor ng agrikultura upang mapanatili ang seguridad sa pagkain at mapalakas ang lokal na produksyon sa bansa.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *