CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Inaprubahan ng ika-10 Sangguniang Panlungsod (SP) ng Calapan City ang Resolution No. 316 noong Enero 14 na sumusuporta sa kahilingan ng Port Management Office (PMO)–Calapan City sa Maritime Industry Authority (MARINA) na payagan ang dagdag na biyahe at mga sasakyang-pandagat sa Calapan City Port tuwing peak travel periods.

Layunin ng resolusyon, na inakda nina SP Members Rafael L. Infantado, Jan Joseph T. Umali, at Lorybelle Tanyag-Panaligan, na mabawasan ang pagsisikip sa pantalan, maiwasan ang pagkaantala ng mga biyahe, at matiyak ang ligtas at komportableng paglalakbay ng mga pasahero, lalo na tuwing mga bakasyon at mahabang weekend.

Nanawagan din ang SP ng pagrepaso sa lokasyon ng mga RORO ticketing booth sa kahabaan ng national highway sa Barangay San Antonio, pati na sa kasalukuyang pamasahe at iba pang singil, bunsod ng trapiko at delay sa mga biyahe.

Binigyang-diin din ang pangangailangang magkaroon ng sapat na life-saving equipment sa lahat ng barkong bumibiyahe sa lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Ipinadala ang kopya ng resolusyon kina Oriental Mindoro Representatives Arnan C. Panaligan at Alfonso V. Umali Jr. para sa kanilang kaalaman at posibleng aksyon.

(AS/JBG/PIA MIMAROPA–Oriental Mindoro)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *