BATANGAS CITY, Batangas — Nakatakdang magsampa ng kaso ang Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) laban sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na kalakalan ng produktong tabako na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1 milyon.
Ayon kay PNP-HPG Chief Brig. Gen. Hansel Marantan, lalabag ang mga suspek sa Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, batay sa matibay na ebidensya at pagkakakilanlan sa mga pangunahing personalidad. Kabilang sa mga sangkot ang isang financier at fencer sa Batangas, gayundin ang isang trucking consignee na may kaugnayan sa isang tauhan ng Customs. Ang iba pang mga suspek na tumakas sa ibang bansa ay haharap din sa parehong kaso sa kanilang pagbabalik.
Sinabi ng PNP na personal na mino-monitor nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Kalihim ng DILG Jonvic Remulla, at PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez ang kaso. Naglaan ang pamahalaan ng humigit-kumulang ₱10 milyon para sa mga paglilitis na magsisilbing test case sa pagpapatupad ng naturang batas.
Sa ilalim ng RA 12022, maaaring maharap sa habambuhay na pagkakakulong at multang hanggang limang beses ng halaga ng mga nasamsam na produkto ang mapapatunayang nagkasala.
(MPDC–PIA Batangas)