Paiigtingin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad sa Metro Manila upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng 49th ASEAN Summit, kasabay ng babala laban sa mga grupong magsasamantala sa naturang pandaigdigang pagtitipon upang magsagawa ng mga ilegal na aktibidad.
Ayon kay PBGen Christopher N. Abrahano, Acting Regional Director ng NCRPO, iginagalang ng kapulisan ang karapatan ng publiko na magsagawa ng mapayapang protesta, subalit hindi nito kukunsintihin ang anumang uri ng karahasan, paglabag sa batas, at panggugulo sa lehitimong operasyon ng mga awtoridad. Kaugnay nito, inatasan niya ang limang police district director na tiyaking naaayon sa batas ang lahat ng operasyon at pag-aresto.
Nagbabala ang NCRPO matapos maitala ang ilang pag-aresto sa mga protesta sa Taguig City, Liwasang Bonifacio sa Maynila, at Sucat, Muntinlupa City noong Nobyembre 13 at 15, 2026. Kinumpirma rin ni Abrahano na 15 pulis ang nasugatan sa komprontasyon sa Liwasang Bonifacio, ngunit nakatanggap na ang mga ito ng kinakailangang medikal na atensiyon.
Tiniyak ng NCRPO na mananatiling nakaalerto ang mga tauhan nito upang pangalagaan ang publiko at matiyak ang maayos na pagsasagawa ng ASEAN Summit, habang pinananatili ang balanse sa pagpapatupad ng batas at paggalang sa karapatan ng bawat mamamayan.
“We will not back down from our duty to enforce the law. We will respect peaceful dissent, but we will be firm against lawlessness. No individual or group is above the law, and the importance of this international event makes our responsibility to maintain peace and order even greater,” mensahe ni PBGen Abrahano.