Inaasahang bahagyang magagamit sa Disyembre 2026 at ganap na matatapos sa Marso 2027 ang konstruksyon ng Kabilang Ibayo Bridge sa Barangay Batuhan, Pola, Oriental Mindoro.
Ayon kay Pola Mayor Jennifer Mindanao Cruz, nakipagpulong siya noong Nobyembre 4 sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Oriental Mindoro First District Engineering Office at kinatawan ng kontratistang Great Swiss Metal Builders Corp. upang talakayin ang kalagayan at iskedyul ng pagkumpleto ng proyekto.
Nagkakahalaga ng ₱33.57 milyon ang proyekto na pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) FY 2024. Ipinaliwanag ni Cruz na kabilang sa mga dahilan ng pagkaantala ang hindi pa naililipat na dalawang poste ng Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) na nakaaapekto sa konstruksyon. Bilang pansamantalang solusyon, bahagyang binago ng DPWH at kontratista ang puwesto o alignment ng tulay upang maipagpatuloy ang mga gawain habang hinihintay ang paglilipat ng mga poste.
Dagdag pa ng alkalde, mas mataas na ang bagong tulay at gagamitan ito ng kongkreto sa halip na bakal upang makadaan ang mga bangka sa ilalim nito at maiwasan ang pagkasira ng estruktura dahil sa mga inaanod na debris tuwing mataas ang tubig. Inaasahang mapabubuti ng proyekto ang daloy ng transportasyon at koneksiyon ng mga residente ng Barangay Batuhan at mga karatig-komunidad sa bayan ng Pola.
Source: PIA MIMAROPA