GUMACA, Quezon (PIA) — Mahigit 8,000 kabataang atleta mula sa 39 na munisipalidad ng Quezon ang nagtipon para ipamalas ang kanilang husay, talento at determinasyon sa Palarong Quezon 2026 na pormal na binuksan noong Setyembre 9 sa Southern Quezon Convention Center sa Gumaca, Quezon.

Tampok sa palaro ang 25 larangang pampalakasan kung saan higit na binibigyang-halaga ang paghubog sa disiplina, sportsmanship, tiyaga at pagtutulungan ng mga kabataan, bukod sa kanilang hangaring makamit ang tagumpay at karangalan para sa kanilang mga paaralan at bayan.

Sa temang “Disiplina’t Dedikasyon: Ipinagmamalaking Dangal ng Atletang Quezonian,” layunin ng Palarong Quezon na magsilbing plataporma para matuklasan at mapaunlad ang potensiyal ng mga kabataan, habang pinatitibay ang pagkakaisa ng mga paaralan, pamahalaan, coaches, pamilya at komunidad.

Higit sa mga medalya at pagkilala, itinuturing na mahalagang tagumpay ng palaro ang paghubog sa mga kabataang marunong mangarap, magsikap, tumanggap ng pagkatalo at bumangon upang muling subukan at abutin ang kanilang mga mithiin.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *