LEGAZPI CITY—Pumalo na sa 13 katao ang nasawi at nasa 1,529 na kaso ng dengue ang naitala sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Provincial Health Office Sanitary Engineer and Consultant Engr. William Sabater, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, karamihan sa mga binawian ng buhay ay mga kabataan kung saan sa kabila na naidala pa ang ilan sa mga ito sa pagamutan ay nasa kritikal nang kondisyon.
Binigyang-diin ng opisyal na dapat mas mahigpit ang pag-obserba sa kondisyon lalo na kapag nawala na ang lagnat ng isang taong nagkasakit ng dengue.
Kabilang sa mga senyales ng sakit ang pagdurugo mula sa ilong, pagsusuka ng dugo, sumuka ng may dugo o mag-ihi, o pagdumi na may kasamang dugo.
Ipinaliwanag niya na dapat kumonsulta sa doktor kung makakaranas ng mataas na lagnat sa loob ng dalawa hanggang pitong araw, panghihina, pananakit sa ilalim ng mata, o kung minsan nakararanas ng mga pantal sa katawan.
Naglaan na rin aniya ang Albay Provincial Health Office ng mga test kit na libreng makukuha sa mga health center sa lalawigan
Samantala, dagdag nito maaari ring magdeklara ng state of calamity ang Albay upang magamit ng lokal na pamahalaan ang kanilang calamity fund lalo na kung kinakailangan ang aksyon sa mga barangay.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ang tanggapan ng isang dengue information caravan sa mga munisipalidad ng lalawigan kung paano maiiwasan at makontrol ang nasabing sakit.
Source: Bombo Radyo Bicol