Agad na naghatid ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA sa mga pasaherong naapektuhan ng insidente ng pagkasunog ng MV June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan noong gabi ng Setyembre 9.

Ayon sa DSWD, pitong survivor ang kasalukuyang nasa Culion Sanitarium and General Hospital at patuloy na inaasikaso ng mga personnel nito na naka-deploy sa Malasakit Center. Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga pasyente at kanilang mga pamilya upang matukoy ang kanilang kalagayan at mga kinakailangang suporta.
Samantala, patungo naman sa Coron Rural Health Unit (RHU) ang DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) personnel upang maghatid ng kaukulang assistance sa mga naapektuhan.

Bilang bahagi ng agarang pagtugon, nakapag-release na ang DSWD ng 150 Ready-to-Eat Food (RTEF) items bandang alas-10 ng gabi noong Setyembre 9 para sa mga apektadong indibidwal.
Patuloy ang validation at assessment ng DSWD upang matukoy ang kalagayan at pangangailangan ng mga survivor at matiyak ang pagbibigay ng angkop na tulong, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang response agencies.
Source: PIA MIMAROPA