CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Nakaalerto ang mga pampublikong ospital at health facilities sa CALABARZON bilang paghahanda sa posibleng pagtaas ng kaso ng influenza-like illnesses at waterborne diseases bunsod ng inaasahang pagpasok ng Bagyong Saudel sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa Department of Health (DOH) CALABARZON, nasa Code White Alert ang mga ospital at health facilities sa rehiyon, kung saan naka-standby 24/7 ang mga medical team, kawani at operations center para sa mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan sa kalusugan.

Aktibo rin ang leptospirosis case tracker upang matukoy ang mga pangangailangan sa logistics, partikular sa mga lugar na madaling bahain. Patuloy naman ang information campaign ng DOH hinggil sa pag-iwas sa leptospirosis at iba pang sakit na maaaring dulot ng baha.

Samantala, iniulat na 171 barangay sa CALABARZON ang nakaranas ng pagbaha dulot ng Habagat at mga nagdaang bagyo, bagama’t 141 barangay na ang naiulat na humupa ang baha.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *