Ipinamalas ni Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga nakamit ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya laban sa kriminalidad, ilegal na droga at smuggling.
Inilahad ni CPNP Nartatez ang mga accomplishment ng PNP sa isinagawang Traditional Monday Flag Raising Ceremony ngayong umaga, Agosto 17, 2026, sa Camp Crame, Quezon City.
Kabilang sa mga binigyang-diin ang kamakailang operasyon sa Kalinga kung saan 750,000 halamang marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng ₱150 milyon ang nabunot at winasak. Sa Mindanao naman, nakarekober ang mga awtoridad ng mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱37 milyon.
Patuloy rin ang PNP sa pagtugis at pag-aresto sa mga Most Wanted Persons, kabilang ang mga dayuhang may kinakaharap na kaso o paglabag sa batas.
Ayon kay Nartatez, ang bawat hakbang ng PNP ay dapat nakatuon sa pagprotekta sa mga komunidad at pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa kapulisan.
“Let every action protect our communities and strengthen public trust. That is the meaning of ‘Bagong PNP para sa Bagong Pilipino: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,’” mensahe ni CPNP Nartatez.
Tiniyak naman ng PNP na magpapatuloy ang kanilang pinaigting na operasyon laban sa kriminalidad at iba pang banta sa kapayapaan at seguridad upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko.