Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang upgraded Passenger Terminal Building (PTB) Project ng Port of Lucena sa Barangay Talao-Talao, Lucena City, Quezon noong Martes, Hulyo 21.
Kasama ng Pangulo sa inspeksyon sina Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, Quezon Governor Angelina Helen Tan, Lucena City Mayor Mark Alcala, at iba pang opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.

Ang bagong Passenger Terminal Building ay nagsisilbing pangunahing roll-on/roll-off (Ro-Ro) gateway sa Southern Luzon na nag-uugnay sa mainland Luzon patungo sa Marinduque at iba pang kalapit na lalawigan. Nilagyan ito ng mga makabagong pasilidad, kabilang ang fully air-conditioned waiting area na may tinatayang 1,000 upuan, automated ticketing counters, modernong comfort rooms, pinahusay na ventilation system, at solar panels para sa mas episyente at napapanatiling operasyon ng pantalan.
Inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapalakas ng turismo, kalakalan, transportasyon, at lokal na ekonomiya sa CALABARZON, MIMAROPA, at iba pang bahagi ng Luzon, habang nagbibigay ng mas maayos, ligtas, at komportableng serbisyo sa mga biyahero at gumagamit ng pantalan.
Source: PIA CALABARZON