PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Hinikayat ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa Palawan na pag-aralan ang posibilidad ng paglahok sa Seasonal Workers Program ng South Korea na nag-aalok ng pansamantalang trabaho para sa mga Pilipino, partikular sa sektor ng agrikultura at pangingisda.

Sa isinagawang Kapihan sa PIA noong Mayo 28, ipinaliwanag ni DMW Palawan Provincial Head Jonathan A. Gerodias na ang programa ay isinasagawa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga lokal na pamahalaan sa Pilipinas at South Korea, kabilang ang mga lokalidad tulad ng Wando at Yesan.

Ayon kay Gerodias, bukas ang programa para sa mga kwalipikadong lalaki at babae na may edad hanggang 35 taong gulang. Maaari silang magtrabaho sa South Korea nang hanggang walong buwan at tumanggap ng sahod na mahigit P80,000 kada buwan.

Samantala, sinabi ni DMW Legal Officer Atty. Ryan Oliver Cayatoc na wala pang LGU sa Palawan ang kasalukuyang nagpapatupad ng programa, ngunit may ilang mga munisipalidad sa Occidental Mindoro na nakikilahok na rito.

Binigyang-diin ni Cayatoc na ang pangunahing tungkulin ng DMW ay bilang regulatory agency na nagsisiguro na ang mga aplikante ay dumaraan sa tamang proseso at hindi nabibiktima ng ilegal na recruitment o labis na paniningil ng bayarin.

Nagbabala rin ang DMW laban sa pakikipagtransaksyon sa mga broker o hindi awtorisadong recruiter. Ayon kay Gerodias, dapat manatiling LGU-to-LGU ang proseso ng programa, kung saan ang Public Employment Service Office (PESO) o mismong lokal na pamahalaan lamang ang dapat mangasiwa sa pagproseso ng visa, pagbili ng plane ticket, at iba pang kinakailangang dokumento.

Pinayuhan ng DMW ang mga interesadong LGU na makipag-ugnayan sa ahensya upang mabigyan ng gabay sa pagtatatag ng partnership at pagsunod sa mga kinakailangang regulasyon para sa programa.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *