Muling ipinakita ng rehiyong MIMAROPA ang husay, disiplina, at pagkakaisa nang tanghaling Best in Saludo sa ginanap na Palarong Pambansa 2026.
Iginawad ang pagkilala bilang pagkilala sa kahanga-hangang pagtatanghal ng delegasyon ng MIMAROPA sa parada ng mga kalahok, kung saan namukod-tangi ang kanilang maayos, sabay-sabay, at disiplinadong pagmamartsa.
Ang tagumpay ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga formation leader mula sa iba’t ibang Schools Division Offices (SDOs) sa rehiyon. Kabilang sa mga nanguna sa delegasyon sina Arvin M. De Castro ng SDO Oriental Mindoro; Ma. Editha A. Comia, Mykel Angelo Matchimura, at Nelson Jr. D. Ong ng SDO Calapan City; Alvin Masangkay ng SDO Occidental Mindoro; at Dianne Jardeleza ng SDO Marinduque.
Pinangunahan at ginabayan ang paghahanda ng delegasyon ni Dr. Eddy A. Dalisay, Division Sports Officer ng SDO Oriental Mindoro, na nagsiguro sa maayos na koordinasyon, pagkakaisa, at disiplina ng buong contingent sa pambansang palaro.
Ayon kay Governor Humerlito “Bonz” Dolor, ang pagkilalang ito ay patunay ng matatag na koordinasyon ng mga sangay ng edukasyon sa MIMAROPA at ng dedikasyon ng mga opisyal at kawani na nagsanay at naghanda para sa prestihiyosong kompetisyon.
Ang naturang parangal ay hindi lamang simbolo ng kahusayan sa pagmamartsa kundi patunay rin ng pagkakaisa at pagmamalaki ng buong rehiyon sa paglahok nito sa isa sa pinakamalalaking palaro sa bansa.
Source: PIA MIMAROPA