VICTORIA, Laguna — Masayang idinaos ng Tomas Daguinsin Elementary School (TDES) sa Barangay San Roque, Victoria, Laguna ang culminating activity ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Summer Program ng Department of Education (DepEd) noong Hunyo 2.
Tampok sa programa ang isang storytelling session kung saan nagbahagi ng maiikling kuwentong may mahahalagang aral ang mga inanyayahang tagapagsalaysay. Layunin nitong higit pang mahikayat ang mga mag-aaral na mahalin ang pagbabasa at paunlarin ang kanilang kakayahan sa pag-unawa.

Bilang suporta sa mga mag-aaral, nagkaloob naman ng libreng gupit ang Sangguniang Barangay ng San Roque, habang namahagi ng learners’ kits ang Batch 95 ng Pedro Guevarra Memorial National High School upang makatulong sa kanilang paghahanda para sa susunod na taong panuruan.
Naging matagumpay ang implementasyon ng ARAL Summer Program sa pamamagitan ng dedikasyon ng mga ARAL tutors ng TDES sa Reading Filipino at Mathematics na sina Meljane T. Avenido at Wilsy Ann M. Herradura, katuwang sina Ayleen B. Herradura, Annabelle C. Panganiban, Janice A. Baldemor, Irma Juvida, Elizabeth A. Desiderio, at Remedios O. Rebong, sa pangunguna ng kanilang punongguro na si Evangeline Ugat Mendejar.

Sa temang “Reading as a Bridge for a Future Full of Hope,” layunin ng ARAL Summer Program na matulungan ang mga mag-aaral na nakararanas ng learning gaps at nahihirapang makasabay sa kanilang mga regular na klase. Sa pamamagitan ng karagdagang suporta sa pagbabasa at matematika, inaasahang maaabot nila ang antas ng pagkatutong naaayon sa kanilang baitang at magiging mas handa sa mga susunod na hamon sa pag-aaral.

Ang programa ay patunay ng sama-samang pagkilos ng paaralan, lokal na pamahalaan, at iba’t ibang sektor ng komunidad upang maisulong ang kalidad na edukasyon at matiyak na walang batang maiiwan sa pagkatuto.
Source: PIA CALABARZON