SAN JOSE, Occidental Mindoro – Nagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Education (DepEd) upang suportahan ang Brigada Eskwela sa 81 pampublikong paaralan sa Occidental Mindoro habang nagbibigay ng pansamantalang hanapbuhay sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Sa ilalim ng programa, tutulong ang mga benepisyaryo sa paglilinis, pagpipinta, at pagsasaayos ng mga paaralan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase. Ayon kay DOLE Occidental Mindoro Provincial Director Gener Francisco, tatanggap ang bawat benepisyaryo ng P455 kada araw sa loob ng 10 araw na trabaho.
Sa unang batch, 264 benepisyaryo ang naaprubahan, habang target na madagdagan pa ito ng 336 sa ikalawang batch at mahigit 1,000 sa ikatlong batch.
Ayon kay Division Brigada Eskwela Coordinator Simplicia Javate, mula sa orihinal na target na 30 paaralan, lumawak ang programa sa 81 paaralan dahil sa mataas na interes at suporta ng mga school head at komunidad.
Inaasahang makatutulong ang programa sa paghahanda ng mga paaralan para sa pagbubukas ng klase habang nagbibigay ng karagdagang kita sa mga pamilyang nangangailangan.
Source: PIA MIMAROPA