CALAPAN CITY, Oriental Mindoro (PIA) — Umabot sa 547.50 kilo ng basura ang nakolekta sa isinagawang sabayang coastal at underwater cleanup activity sa Puerto Galera, Oriental Mindoro noong Mayo 21 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Month of the Ocean 2026.
Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang aktibidad na may temang “Sustaining Ocean Health, Sailing Resilient Nation” na layong mapanatiling malinis ang karagatan at maprotektahan ang yamang-dagat.
May kabuuang 335 kalahok mula sa iba’t ibang sektor ang nakiisa sa paglilinis sa anim na coastal sites at isang underwater cleanup area sa Barangay Sabang.
Ayon kay DENR MIMAROPA Assistant Regional Director Miko Landrito, mahalaga ang pakikilahok ng publiko upang mapanatili ang malinis at ligtas na karagatan para sa susunod na henerasyon.
Sinabi naman ni Puerto Galera Dive Shop and Resort Association president Pedro Magsino na malaking tulong ang aktibidad sa pangangalaga ng marine biodiversity at kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa turismo at yamang-dagat.
Source: PIA MIMAROPA