𝗖𝗔𝗟𝗔𝗣𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬, Oriental Mindoro — Umabot sa 1,378 bakanteng posisyon ang inialok sa isinagawang Job Fair Caravan na pinangunahan ng Local Government Unit (LGU) ng Calapan City ngayong Miyerkules, Mayo 13, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mailapit ang oportunidad sa trabaho at serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan.

Dinaluhan ang aktibidad ng iba’t ibang pribadong kumpanya mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na nagbukas ng oportunidad para sa mga naghahanap ng trabaho sa lungsod at karatig lugar.

Bukod sa mga bakanteng posisyon mula sa pribadong sektor, nag-alok din ang Commission on Population and Development (CPD) MIMAROPA ng tatlong plantilla positions at dalawang Contract of Service (COS) worker positions para sa mga kwalipikadong aplikante.

Naglagay rin ng mga mobile booth ang ilang national government agencies upang magbigay ng mahahalagang serbisyo sa mga dumalo sa job fair.

Kabilang dito ang Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsagawa ng National ID registration at tumugon sa mga katanungan kaugnay ng National ID system. Nagbigay rin ng serbisyo ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa pagproseso ng aplikasyon at renewal ng NBI Clearance.

Layunin ng Job Fair Caravan na mapalawak ang access ng mga residente sa oportunidad sa trabaho habang inilalapit din ang iba’t ibang serbisyong pampamahalaan sa komunidad.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *