ODIONGAN, Romblon — Layunin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Romblon na maabot ang lahat ng munisipalidad sa lalawigan ngayong 2026 sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang scholarship at training programs upang mapalakas ang oportunidad sa trabaho ng mga residente.

Sa panayam, sinabi ni TESDA Romblon Provincial Director Glenn Niño M. Sartillo na bibigyang-priyoridad ng ahensya ang mga geographically isolated at disadvantaged areas bilang bahagi ng kanilang rollout ngayong taon.

Sa kauna-unahang pagkakataon, dadalhin ng TESDA ang kanilang mga programa sa bayan ng Concepcion kung saan nakatakdang isagawa ang pagsasanay sa Organic Agriculture Production mula Abril hanggang Mayo. Inaasahan ding madaragdagan pa ang mga kursong iaalok sa mga susunod na buwan.

Ipinaliwanag ni Sartillo na patuloy na ipinatutupad ng TESDA ang demand-driven approach sa kanilang mga programa, kung saan inaayon ang mga pagsasanay batay sa pangangailangan ng bawat munisipalidad upang matiyak na magagamit ng mga benepisyaryo ang kanilang natutunang kasanayan sa kabuhayan o trabaho.

“Ang mga programa ay nakaayon sa pangangailangan ng bawat munisipalidad upang direktang magamit ng mga benepisyaryo ang kanilang kasanayan,” ani Sartillo, na binigyang-diin ang layunin ng ahensya na maging inklusibo at abot-kamay ang kanilang mga programa para sa lahat ng komunidad.

Bukod sa Concepcion, plano rin ng TESDA na maghatid ng mga training program sa mga bayan ng Banton, Corcuera, at San Jose bilang bahagi ng kanilang lalawigan-wide expansion.

Nakikipagtulungan din ang ahensya sa mga Technical Vocational Institutions sa Romblon upang mas mapalawak ang saklaw ng kanilang mga programa at matiyak ang kalidad ng pagsasanay para sa mga kalahok.

Inaasahan ng TESDA na sa pamamagitan ng pinalawak na scholarship at training initiatives, mas marami pang Romblomanon ang magkakaroon ng marketable skills na magbibigay-daan sa pagkakaroon ng trabaho o pagsisimula ng sariling kabuhayan, kasabay ng pagpapalakas ng lokal na workforce at ekonomiya.

Source: PIA MIMAROPA-Romblon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *