SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na mananatiling sapat at matatag ang suplay ng bigas sa Occidental Mindoro, sa kabila ng planong pagpapadala ng 200,000 sako ng bigas patungong Cebu upang suportahan ang pangangailangan sa Central Visayas.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, bahagi ito ng hakbang ng ahensya upang matugunan ang tumataas na demand sa Region 7, lalo na sa patuloy na pagpapatupad ng programang P20 kada kilo ng bigas para sa mga sektor na nangangailangan.
Ginawa ni Lacson ang pahayag sa kanyang pagbisita sa Occidental Mindoro noong Abril 16, kung saan tinalakay niya ang mga isinasagawang hakbang upang mapanatili ang sapat na imbentaryo ng bigas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinaliwanag niya na inililipat ng NFA ang suplay mula sa mga lugar na may sobra, tulad ng Mindoro, patungo sa mga rehiyong may mas mataas na konsumo upang masiguro ang balanseng distribusyon sa buong bansa.
Binigyang-diin din ng NFA ang kahalagahan ng pagpapanatili ng sapat na buffer stock upang maiwasan ang kakulangan, lalo na sa panahon ng sakuna at posibleng pagkaantala ng suplay.
Bahagi rin ito ng paghahanda ng pamahalaan sa nalalapit na tag-ulan, kung saan maaaring maapektuhan ng bagyo at pagbaha ang produksyon at distribusyon ng bigas sa ilang lalawigan.
Sa kabila ng malaking dami ng bigas na ipapadala sa Cebu, tiniyak ni NFA Occidental Mindoro Provincial Branch Manager Harold Cuartero na hindi maaapektuhan ang lokal na suplay.
Aniya, nananatiling sapat ang kasalukuyang imbentaryo ng bigas sa lalawigan at kayang tustusan ang pangangailangan ng mga residente sa loob ng hanggang 130 araw.
Dagdag pa ni Lacson, kung ganap na mapoproseso ang lahat ng ani ng palay sa Mindoro—kabilang ang Occidental at Oriental—maaari itong makalikha ng hanggang 800,000 sako ng well-milled rice, na magpapalakas sa seguridad sa pagkain sa rehiyon at sa buong bansa.
Source: PIA MIMAROPA–Occidental Mindoro