SARIAYA, Quezon — Pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Sariaya ang daloy ng impormasyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng One-Day Workshop on Managing Social Media Postings para sa mga Information Officer ng iba’t ibang departamento nitong Martes, Abril 21.

Pinangunahan ng Sariaya Public Information Office (PIO) ang aktibidad na dinaluhan ng mahigit 30 kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan. Layunin ng pagsasanay na paigtingin ang koordinasyon sa pagitan ng mga opisina at matiyak ang tama, napapanahon, at mabilis na paghahatid ng impormasyon sa mga mamamayan.

Sa mensahe ni Mayor Marivic Gayeta, na ipinaabot ni Executive Assistant Vic Armamento, binigyang-diin ang kahalagahan ng epektibong komunikasyon sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan. Aniya, mahalagang may sapat na kaalaman at kakayahan ang mga Information Officer upang maihatid ang tama at kapaki-pakinabang na impormasyon sa publiko.

Bilang bahagi ng programa, nagsilbing resource speaker si Philippine Information Agency (PIA) Calabarzon Information Officer II Charmaine Odong-Pangan na nagbahagi ng kaalaman sa Basic News Writing. Tinalakay niya ang wastong pagbabalita, pagbuo ng malinaw na mensahe, at kahalagahan ng kredibilidad sa pagpapakalat ng impormasyon.

Aktibo ring nakibahagi si Public Information Officer Ronan Nantes sa pangangasiwa ng pagsasanay, katuwang ang mga kawani ng PIO na sina Giselle Ann De Vila, Marose Hernandez, Igme Macasaet, at EG Bagting. Nagbigay sila ng mga diskusyon at praktikal na gabay hinggil sa mobile photography at mga paalala sa wastong pagpo-post sa Facebook upang mas maging epektibo ang paggamit ng social media bilang plataporma ng komunikasyon.

Sa pamamagitan ng naturang workshop, inaasahang mas mapagtitibay ang kakayahan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng malinaw, mabilis, at mapagkakatiwalaang impormasyon na magsisilbing tulay sa mas maayos na ugnayan ng pamahalaan at ng mamamayan ng Sariaya.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *