IMUS CITY, Cavite — Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maabot ang mahigit 6,000 tricycle drivers sa lungsod ng Imus sa pamamagitan ng pamamahagi ng Cash Relief Assistance.
Ngayong araw, Abril 8, inaasahang aabot sa 1,600 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Imus ang makakatanggap ng naturang ayuda.

Ayon sa DSWD Region IV-A, isinumite ng mga TODA sa lokal na pamahalaan ang listahan ng kanilang mga miyembro na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Layunin ng Cash Relief Assistance na makatulong sa mga tsuper at kanilang mga pamilya upang matugunan ang pang-araw-araw na gastusin.

Magpapatuloy ang payout sa mga susunod na araw—Abril 10, 13, at 14—upang mas marami pang benepisyaryo ang mabigyan ng tulong.
Samantala, tinatayang mahigit 6,500 tricycle drivers mula sa mga lungsod ng Imus, Carmona, at Bacoor sa Cavite ang target na maabot sa kasalukuyang rollout ng programa.
Source: PIA CALABARZON