Umabot sa 24,000 sako ng salt fertilizer ang ipinamahagi sa mga magsasakang niyog sa lalawigan ng Marinduque bilang bahagi ng Coconut Fertilization Project ng Philippine Coconut Authority (PCA). Ang mga delivery na dumating mula Pebrero 13 hanggang 17 ay inaasahang makikinabang ang mahigit 600,000 puno ng niyog, na layong pataasin ang produksyon at kita ng mga magsasaka.
Ayon sa PCA, ang nasabing programa ay bahagi ng patuloy nitong suporta sa industriya ng niyog, lalo na sa pagpapahusay ng ani at pagpapatibay ng kakayahan ng mga puno laban sa epekto ng pagbabago ng klima. Sa kabuuang bilang, 5,700 sako ang ipinamahagi sa Boac, 1,400 sa Buenavista, 3,400 sa Gasan, 3,900 sa Mogpog, at tig-4,800 sako naman sa Santa Cruz at Torrijos.
Ang bawat sako ng pataba na nagkakahalaga ng P1,043.23 ay may kabuuang halagang P25.03 milyon, na pinondohan sa ilalim ng regular na programa ng ahensya sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA). Ang ipinamahaging agricultural grade salt (AGS) ay isang abot-kayang pataba na madaling gamitin at kilala sa pagpapakapal ng laman ng niyog, pagdami ng bunga, at pagpapalakas ng resistensya ng mga puno laban sa tagtuyot at peste.
Hinihikayat din ng PCA ang mga magsasakang hindi pa nakikinabang sa programa na makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na tanggapan ng PCA upang malaman ang proseso ng pag-aaplay. Binigyang-diin ng ahensya na ang tuloy-tuloy na pagpapabunga ay mahalaga upang mapalakas ang industriya ng niyog at matiyak ang mas maayos na kabuhayan para sa mga magsasaka sa lalawigan.
Source: PIA Marinduque