Opisyal na nagtipon ang Provincial Price Coordinating Council (PPCC) ng Oriental Mindoro para sa kanilang unang kwarter na pagpupulong ngayong 2026 upang pagtibayin ang koordinasyon sa pagmomonitor ng presyo ng mga bilihin sa buong lalawigan.

Layunin ng naturang pulong na pagsabay-sabayin ang mga hakbang ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mas mahigpit na pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kasunod ng pangamba sa posibleng epekto ng tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay DTI Oriental Mindoro Provincial Director Arnel Hutalla, kasalukuyang pinagtitibay ng konseho ang pinaigting na iskedyul ng pagmomonitor para sa mga basic necessities at prime commodities. Ito ay bunsod ng mga ulat hinggil sa pagtaas ng gastos sa transportasyon at pagpapadala ng mga produkto na maaaring magdulot ng dagdag na pasanin sa mga mamimili.

Binigyang-diin din niya na layunin ng PPCC na mapangalagaan ang kapakanan ng publiko sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabantay sa presyo at sapat na suplay ng mga produkto sa merkado.
Samantala, hinihikayat ng konseho ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat sa kinauukulang ahensya ang anumang hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Source: PIA Oriental Mindoro