Nilagdaan ng Bicol Consortium for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (BCAARRD) sa pangunguna ni Director Lester M. Narvaez at ng Philippine Information Agency (PIA) Regional Office 5 sa pamumuno ni Regional Head Ramil Marianito ang isang memorandum of agreement (MOA) noong Marso 5 upang higit pang mapalakas ang kanilang ugnayan sa pagpapalaganap ng impormasyon at development communication sa rehiyon ng Bicol.

Layunin ng nasabing kasunduan na mapadali ang pagbabahagi ng mga impormasyon at teknolohiyang binuo ng mga kasaping institusyon ng BCAARRD. Ayon kay Dr. Narvaez, makatutulong ang inisyatibang ito sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga magsasaka at mangingisda ng access sa mga makabagong teknolohiya na makapagpapalawak ng kanilang kakayahan sa pagsasaka at pangingisda at makapagpapataas ng kanilang produktibidad.

Kasunod ng MOA signing ay ang pagpapalabas ng unang episode ng programang pangradyo ng BCAARRD na “AgriTalks,” na ipinalabas sa mga radio channel ng PIA Bicol sa buong rehiyon at sa kanilang mga Facebook page. Ang programa ay pinangungunahan nina Professors Edgar Barrameda at Anacito Dematera at mapapakinggan tuwing una at ikatlong Huwebes ng buwan, alas-11 ng umaga.
Source: PIA Bicol