Mariing itinanggi ng mga Indigenous Peoples (IP) leaders at residente ng Barangay Cabacao, Abra de Ilog, ang mga kumakalat online na ulat na may mga sibilyang napatay sa isinagawang operasyon ng militar sa lugar.
Ayon sa mga lider ng komunidad, lahat ng residente mula sa mga apektadong sitio ay ligtas at kumpleto ang bilang, at walang sinumang nasaktan o namatay. Kinumpirma rin ni Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Tito Tobias na personal niyang inalam ang sitwasyon kasama ang mga lider ng Iraya at napatunayang walang nawawala o nasawi.
Nagpasalamat ang mga residente sa mga pwersa ng gobyerno sa pagbibigay ng seguridad, ngunit binanggit na ang mga aktibidad ng armadong grupo ay nakaapekto sa kabuhayan at pag-aaral ng mga bata. Muling iginiit ng mga awtoridad na prayoridad ng mga operasyon ang kaligtasan ng mga sibilyan at hinikayat ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.