Agad na tumugon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V matapos ang malagim na pananalasa ng ipo-ipo sa bayan ng Daet, Camarines Norte noong Setyembre 14, 2025.

Apektado ang kabuuang 103 pamilya mula sa mga Barangay ng Bibirao at Magang, matapos masira ang kanilang mga tahanan at ari-arian dulot ng matinding hangin.

Sa naturang insidente, dalawang buhay ang nawala—isang 37-taong gulang na babae at isang 13-taong gulang na batang lalaki—na kapwa nasawi matapos matamaan ng bumagsak na puno. Dalawa pa ang nagtamo ng bahagyang sugat.

Sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, kaagad na inatasan ng DSWD Bicol ang Social Welfare and Development (SWAD) Team ng Camarines Norte na maghatid ng kinakailangang ayuda sa mga naapektuhang pamilya.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DSWD sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Daet at sa mga lokal na ospital upang masuri ang pangangailangang medikal ng mga nasugatan.

Patuloy rin ang assessment at monitoring sa sitwasyon sa rehiyon upang matukoy kung may iba pang agarang tulong na kailangang ipaabot.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *