Isang nakatagong yaman ng kalikasan ang unti-unting nakikilala ngayon sa bayan ng Calauag ang Yaganak Falls na matatagpuan sa Barangay Yaganak.
Tampok sa Yaganak Falls ang malamig at malinaw na tubig na bumabagsak mula sa batuhan na napapalibutan ng luntiang kagubatan. Sa halagang ₱30 lamang bilang entrance fee, maaaring masilayan at maranasan ng mga turista ang katahimikan at ganda ng lugar.
Mula sa highway ay ilang minutong lakad lamang ang kailangan upang marating ang talon, dahilan kung bakit madali itong puntahan maging ng mga lokal na residente.

Ayon sa mga taga-barangay, matagal nang paboritong puntahan ng mga kabataan at pamilya ang Yaganak Falls upang magpalamig at magsaya, lalo na tuwing tag-init. Ngunit kamakailan ay nagsimula itong makatawag-pansin bilang isang eco-tourism site na maaaring makatulong sa pag-unlad ng turismo ng Calauag.
Hinimok naman ng pamunuan ng barangay at lokal na pamahalaan ang mga bumibisita na panatilihing malinis ang paligid at irespeto ang kalikasan upang mapangalagaan ang natural na ganda ng Yaganak Falls para sa susunod pang mga henerasyon.

Sa patuloy na pagdami ng natutuklasang talon sa Quezon kabilang na ang mahigit 40 waterfalls sa kalapit bayan ng Guinayangan inaasahan na magiging bahagi rin ang Yaganak Falls ng mas pinalawak na eco-tourism circuit ng lalawigan.
Source: Tara na sa Lalawigan ng Quezon FB Page