Sa layuning mas mapalawak ang kaalaman sa tamang pagtugon sa mga emergency, matagumpay na isinagawa ang dalawang araw na Basic Life Support (BLS) Orientation para sa mga opisyal at kawani ng Barangay Poblacion, Taytay, Palawan noong Setyembre 2–3, 2025, na ginanap sa Multi-Purpose Hall ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Taytay, katuwang nila sa nasabing aktibidad ang Barangay LGU. Tinalakay sa pagsasanay ang mga mahahalagang kaalaman sa life-saving techniques tulad ng CPR (Cardiopulmonary Resuscitation), first aid, at iba pang mga pamamaraan sa pagsagip ng buhay sa oras ng sakuna o biglaang insidente.
Binigyang-diin ng MDRRMO na layunin ng orientation na masiguro ang kahandaan ng barangay sa anumang uri ng emergency situation, maging ito man ay natural na kalamidad, aksidente, o biglaang pagkalubha ng kalusugan ng isang indibidwal.
Ayon pa sa mga kalahok, malaking tulong ang nasabing pagsasanay upang mas mapagtibay ang kanilang kapasidad bilang mga frontliner ng komunidad, lalo na sa mga panahon ng krisis.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapalakas ang resiliency at preparedness ng bawat barangay sa buong bayan ng Taytay.
Source: Palawan Island Network