Makikita sa mata ng mga benepisyaryo ang labis na tuwa nang manguna ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region sa kanilang bayan upang ipamahaging muli ang Cash-For-Work (CFW) payout nitong ika-28 hanggang ika-29 ng Agosto, 2025.
Ang 1,334 na benepisyaryong ito ay pawang mga mangingisda at magsasaka mula sa bayan ng Caramoan, Presentacion, Lagonoy, San Jose, Sagñay at Tigaon, Camarines Sur, na lubos na naapektuhan nang nagdaang bagyong Pepito.
Ang hangarin ng ahensya, sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio ay matiyak na ang Php1,660 na sahod ay matanggap ng bawat benepisyaryong hindi nakadalo noong ika-2 hanggang ika-9 ng Hulyo at ika-7 ng Agosto, 2025, na unang itinakdang Cash-For-Work (CFW) payout.
Ang DSWD Bicol, katuwang ang mga Local Government Units (LGU) ng nasambit na mga bayan ay naibigay ang kabuuang halaga ng asistensya na umabot sa Php2,214,440.
Sa patuloy na malasakit sa sambayanang Pilipino, si DSWD Secretary Rex Gatchalian ay agad na umaalalay sa iba’t ibang programa ng ahensya tulad ng CFW program na tutulong sa pag-angat ng mga mamamayang may pangarap na iangat rin ang sariling buhay.
Source: DSWD Field Office V