Personal na binisita ni Mayor Robert “Bong” M. Fabella ang lupang pagtatayuan ng Proposed Calatrava Sanitary Landfill sa Barangay Balogo noong Agosto 27, 2025 upang ipaliwanag sa mga residente ang layunin at benepisyo ng proyekto. Ayon sa kanya, ang lumalalang problema sa basura sa Poblacion ay nangangailangan ng agarang pansamantalang solusyon habang hindi pa operational ang permanenteng landfill.
Tiniyak ni Mayor Fabella na ang lugar ay ligtas at legal. May sukat itong 9.3 ektarya, malayo sa kabahayan, may konkretong access road, at may ECC mula sa DENR. Ang mga basurang pansamantalang inilipat ay na-segregate na at tinambakan ng lupa upang maiwasan ang anumang panganib.

Nilinaw niya na ang proyekto ay hindi open dumpsite kundi isang makabagong sanitary landfill na sumusunod sa pamantayan ng batas—may takip, may proteksyon sa lupa at tubig, at regular na mino-monitor. Bukod dito, 3.5 ektarya ng lupa ay naidonate sa Romblon State University para sa tulong sa monitoring at pananaliksik.
Aminado si Mayor Fabella sa pangamba ng mga residente ngunit tiniyak niyang may mga sistemang pananggalang at gabay mula sa DENR at RSU upang matiyak ang kaligtasan ng komunidad. Layunin din ng proyekto na maging modelo ng tamang pamamahala ng basura sa buong lalawigan.
Sa huli, nanawagan siya ng suporta mula sa mamamayan ng Balogo. Aniya, ang proyektong ito ay para sa ikabubuti ng buong bayan ng Calatrava—isang hakbang tungo sa mas malinis, ligtas, at maayos na kinabukasan.
Source: Calatrava Romblon