Sa pangunguna ni Regional Director Norman S. Laurio, at sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan (LGU) ng Guinobatan, katuwang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Armed Forces of the Philippines (AFP), matagumpay na naihatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang tulong sa 643 pamilyang lumikas sa ilalim ng pre-emptive evacuation nitong Lunes, Agosto 25, 2025, bunsod ng abot-beywang na pagbaha dulot ng malakas na ulan.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tiniyak ng DSWD ang maagap na pagtugon upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng bawat pamilyang apektado.
Kaalinsabay nito, binigyang-diin ni Secretary Rex Gatchalian ang kahalagahan ng mahigpit na koordinasyon sa LGUs at mga ahensya ng pamahalaan upang maging mabilis at epektibo ang paghahatid ng serbisyo.
Bilang tugon, nagsagawa ang ahensya ng coordination meeting kasama ang LGU Guinobatan upang matiyak ang maayos na pamamahala ng evacuation centers at ang maagap na pagtugon sa pangangailangan ng mga evacuees.
Nagpaabot din ng hot meals ang LGU, katuwang ang DSWD, upang masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyong pagkain para sa mga lumikas.
Upang higit na masuportahan ang mga apektadong pamilya, namahagi ang DSWD ng 1,000 Family Food Packs (FFPs). Kasabay nito, nagtayo rin ng Child-Friendly Space (CFS) at Women-Friendly Space (WFS) ang ahensya upang mapangalagaan ang kaligtasan, kapakanan, at karapatan ng mga bata at kababaihan sa evacuation site.
Bilang bahagi ng kahandaan, tiniyak ng DSWD Bicol na may sapat na suplay ng Family Food Packs at nagpapatuloy ang masinsinang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan upang matiyak ang seguridad at kapakanan ng mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha.
Source: DSWD Field Office V