Umabot sa 643 pamilya o katumbas ng 1,931 katao mula sa Barangay Masarawag, partikular sa Purok 4, 5, 6 at 8, ang nabigyan ng mainit na pagkain sa pamamagitan ng Mobile Kitchen ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region noong Biyernes, Agosto 22, 2025.

Ipinamahagi ang mga pagkain sa Guinobatan Community College at Mauraro High School na nagsilbing evacuation centers upang matiyak na ang mga apektado ng pagbaha ay nakatanggap ng agarang nutrisyon at suporta bilang bahagi ng kanilang pre-emptive evacuation.

Bahagi ito ng patuloy na pagtugon ng DSWD Bicol, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., upang maihatid ang napapanahon at mahalagang tulong sa mga pamilyang apektado ng sakuna, at matulungan silang makabangon mula sa epekto ng kalamidad.
Source: DSWD Field Office V