BOAC, Marinduque — Umani ng matinding emosyon at paghanga mula sa mga manonood ang isinagawang Via Crucis o “Passion of the Cross” sa bayan ng Boac ngayong Biyernes Santo, matapos buhayin ng mga mahuhusay na aktor ang makasaysayang pagpapahirap at pagpapako sa krus ni Hesukristo.

Kaliwa’t kanan ang nakakabinging hiyawan at reaksyon ng mga dumalo habang nasasaksihan ang makatotohanang pagsasadula, na nagbigay-diin sa sakripisyo at paghihirap ni Kristo para sa sangkatauhan. Ang naturang pagtatanghal ay muling nagpatunay sa lalim ng pananampalataya at debosyon ng mga residente ng Marinduque.

Itinuturing ang Via Crucis bilang isa sa pinakamahalagang bahagi ng paggunita ng Mahal na Araw sa Boac. Bukod sa pagiging relihiyosong gawain, nagsisilbi rin itong atraksyon na humihikayat ng mga turista mula sa iba’t ibang lugar upang masaksihan ang natatanging tradisyon ng lalawigan.

Patuloy namang pinahahalagahan ng lokal na pamahalaan at mga deboto ang ganitong mga gawain bilang paraan ng pagpapanatili ng mayamang kultura at pananampalatayang Pilipino.

Source: PIA Marinduque

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *