Isinagawa ang isang matagumpay na General Assembly para sa mga iskolar ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan noong Agosto 16, 2025 sa Calapan City Convention Center.
Dinaluhan ito ng humigit-kumulang 500 scholars mula sa pitong pribadong kolehiyo sa lungsod. Layunin ng pagtitipong ito na mapakinggan ang mga saloobin at pangangailangan ng mga iskolar, gayundin ang pagbibigay ng mahahalagang impormasyon kaugnay ng kanilang Php25,000 na educational assistance sa ilalim ng scholarship program ng lungsod.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina RL Leachon,1st District Board Member, Bim Ignacio,Vice Mayor at ilang miyembro ng Ika-10 Sangguniang Panlungsod. Pinangunahan ang programa ng City Education Department, sa pamumuno ni Ms. Marvie Mañibo, Officer-in-Charge.
Bahagi ito ng patuloy na inisyatibo ng pamahalaang lungsod upang palakasin ang suporta sa sektor ng edukasyon at tiyakin na naririnig ang tinig ng mga iskolar.
Bago ang nasabing pagtitipon, una nang nakapulong ang 2,300 scholars mula sa City College of Calapan. Sa kabuuan, umaabot na sa 2,800 ang bilang ng mga City Scholars sa taong ito.
Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pagbibigay ng suporta—hindi lamang pinansyal, kundi pati emosyonal at moral—upang tulungan ang mga iskolar sa kanilang paglalakbay tungo sa tagumpay.
Source: Mayor Doy Leachon