Sa kabila ng pagkaantala dulot ng nagdaang bagyo, matagumpay na isinagawa noong August 5, 2025 ang Livelihood Training on Candle Making para sa mga kababayan nating Persons with Disability (PWD) mula sa iba’t ibang barangay ng San Mateo.

Pinangunahan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Rizal ang nasabing pagsasanay sa pamamagitan ni Bb. Shane Parreño, na nagsilbing livelihood trainor. Sa kanyang gabay, natutunan ng mga kalahok ang wastong proseso ng paggawa ng dekalidad na kandila—mula sa tamang pagtitimpla ng mga sangkap, pagbuo ng disenyo, hanggang sa maayos na pagpe-packaging ng produkto.

Layunin ng programang ito na bigyang kakayahan ang mga PWD sa pagbuo ng alternatibong kabuhayan na maaaring gawin sa sariling tahanan, bilang suporta sa kanilang pagsisikap na magkaroon ng mas matatag na kinabukasan.

Lubos ang pasasalamat na ipinaabot nina Acting Municipal Mayor Grace Diaz at G. Romeo E. Paguio, Pangulo ng Persons with Disability Federation of San Mateo Rizal Inc. (PWDFSMRI), sa lahat ng dumalo at nakiisa. Pinapurihan din nila ang mga naging tagapagsanay at ang mga ahensya at tanggapang nagtulungan upang maisakatuparan ang serye ng mga livelihood training para sa mga miyembro ng PWD community.

Isa lamang ito sa mga hakbangin ng lokal na pamahalaan upang mapalakas ang suporta at pagkalinga sa mga sektor na nangangailangan.

Source: San Mateo Rizal Public Information Office FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *