Ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR), sa pamamagitan ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2, ay nagsagawa ng serye ng mga pagsasanay at rollout nitong Hulyo 31, 2025 para sa Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED) component sa lalawigan ng Camarines Sur—isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapaunlad ng mga benepisyaryo bilang matatag na Community-Based Enterprises (CBEs).

Ang MAED ay isang pangunahing bahagi ng SAAD Phase 2 na naglalayong palakasin ang mga aktibidad na may kaugnayan sa marketing bilang suporta sa mga proyektong pangkabuhayan ng programa.

Layunin nitong gawing organisado at pangmatagalan ang mga kabuhayang pang-agrikultura at pangisdaan ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng mga pagsasanay, pagbibigay ng suporta teknikal at pinansyal, at pagbuo ng mga ugnayang pangmerkado.

Sa ganitong paraan, pinatitibay ng SAAD ang adbokasiya nito sa pagpapaunlad ng mga community sustainable livelihood sa rehiyon ng Bicol.

Sa kabuuan ng pagsasanay, lumahok ang mga benepisyaryo sa lectures at workshops kung saan tinalakay ang mga Basic Business Recording, Pag-unawa sa Financial Statements, Bookkeeping at Basic Accounting for Non-Accountant, Basic Pricing and Costing, at Entrepreneurial Mind Setting and Values Formation—na layuning hubugin ang kaisipang pangnegosyo at katatagan ng mga kalahok.

Bilang suporta sa kahandaan ng produkto para sa merkado, isinama rin ang pagsasanay sa Packaging and Labeling of Food Products, na tumutukoy sa kahalagahan ng maayos na presentasyon at pagba-brand para sa mas mataas na halaga ng produkto sa merkado.

Naglaan din ng araw para sa field visit ng mga kalahok sa ilang samahan ng mangingisda sa Camarines Sur.

Sa pamamagitan nito, naranasan ng mga kalahok ang aktwal na operasyon ng mga kabuhayang tinulungan ng SAAD Program.

Sinuri rin ang mga produkto ng samahan upang matukoy ang kanilang kasalukuyan at potensyal na merkado, na nagsilbing batayan sa pagbuo ng market linkage plan at pagsusuri ng kakayahang kumita ng proyekto.

Sa kabuuan, ipinapakita ng komprehensibong pagsasanay na ito ang matatag na pangako ng BFAR-SAAD na paunlarin ang mga benepisyaryo tungo sa matibay, market-oriented community enterprises—isang mahalagang hakbang sa pag-abot ng inklusibong kaunlaran at sustenableng kabuhayan para sa mga mangingisda at kanilang komunidad.

Source: BFAR Bikol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *