Ikinasal ang apat na dating persons deprived of liberty (PDLs) sa kanilang mga kapareha na ginanap sa Aruyan Falls na matatagpuan sa loob ng Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro noong Hulyo 29, 2025.

Ang nag-officiate sa seremonya ay si Sablayan Mayor Walter “Bong” Marquez na inilarawan niyang simple ngunit puno ng pag-asa at kahulugan.

Ayon sa alkalde, “Ang pag-aasawa ay hindi lamang simbolo ng pagmamahalan kundi isang hakbang tungo sa bagong buhay. Para sa isang dating bilanggo, ito ay paanyaya na ituwid ang landas at bumuo ng mas makabuluhang kinabukasan.”

Dahil sa pagkakakulong, hindi nagkaroon ng pagkakataon ang mga naturang indibidwal na maikasal sa kanilang mga minamahal. Ngunit sa tulong ng programang libreng kasalan na iniaalok ng lokal na pamahalaan, nabigyan sila ng pagkakataon na magsimula ng panibagong yugto ng kanilang buhay.

Nagsilbing principal sponsor si SPPF Superintendent Abel DR Ciruela, habang si CSO3 Lorelie Silva naman ang naging pangunahing babaeng ninang ng kasal.

Ang makasaysayang seremonya ay nagsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga kasangkot kundi pati na rin sa buong komunidad, bilang patunay na ang pag-ibig at pagbabago ay posibleng magtagumpay sa kabila ng mapait na nakaraan.

Source: Mindoro Today

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *