Nasa 160 pamilyang apektado ng matinding pag-ulan dulot ng habagat ang nabigyan ng food packs ng pamahalaan sa mga evacuation centers sa Barangay Wawa, Armado, at Poblacion sa bayan ng Abra de Ilog nito lamang Hulyo 23, 2025.

Ang naturang ayuda ay bahagi ng patuloy na pagtugon ng lokal at pambansang pamahalaan upang matulungan ang mga residenteng naapektuhan ng matinding pag ulan dulot ng habagat. Ayon sa mga opisyal, ang mga food packs ay naglalaman ng pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, de-latang pagkain, instant noodles, at mga bottled water.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng tulong sa iba pang bayan sa Occidental Mindoro na naapektuhan ng masamang panahon. Pinagtutuunan din ng pansin ng mga awtoridad ang kaligtasan at kalusugan ng mga evacuees, lalo na ang mga bata, matatanda, at buntis.

Hinimok naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng awtoridad, lalo na sa mga lugar na may mataas na banta ng landslide at pagbaha. Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa iba’t ibang ahensya upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga nangangailangan.

Ang tulong na ito ay patunay ng pagkakaisa at malasakit ng pamahalaan sa gitna ng sakuna, at layunin nitong masigurong walang pamilyang mapag-iiwanan sa panahon ng kalamidad.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *