Bilang panimulang aktibidad sa pagdiriwang ng Nationwide Nutrition Month 2025, isinagawa ang sabay-sabay na Kick-off Parade sa lahat ng 15 barangay ng Bay, Laguna noong Hunyo 1, 2025. Nakiisa sa makulay na parada ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay, mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang non-government organizations (NGOs).
Ang makulay at masiglang parada ay may layuning ipalaganap ang kamalayan sa kahalagahan ng wastong nutrisyon para sa lahat. Tampok sa nasabing gawain ang pagdadala ng mga kalahok ng mga sariwang gulay bilang simbolo ng malusog at masustansiyang pagkain sa araw-araw.
Kasunod nito ay isinagawa ang isang maikling programa at ang sabay-sabay na paglalagay ng tarpaulin sa bawat Barangay Hall at pampublikong paaralan. Ang mga tarpaulin ay naglalaman ng opisyal na tema ng Nutrition Month, bilang paalala sa kahalagahan ng pagkain, kalusugan, at seguridad sa nutrisyon.
Bilang bahagi pa rin ng buwan ng nutrisyon, magsasagawa rin ang Tanggapan ng Pambayang Nutrisyon ng iba’t ibang patimpalak para sa mga batang Bayeños. Ito ay may layuning hikayatin ang kabataan na maging mas maging aktibo sa pagpili ng masustansyang pagkain at tamang nutrisyon.
Ang taunang pagdiriwang na ito ay patunay ng tuloy-tuloy na pagsusumikap ng pamahalaang bayan ng Bay upang isulong ang kalusugan, kapakanan, at nutrisyon ng bawat mamamayan.
Source: Lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Bay FB Page